Biyernes, Abril 15, 2011

General Electric (GE)

Alas sais palang ngayon, nakahilata pa sa higaan ngunit gising na rin naman. At walang repair na naka-schedule ngunit may dalawang back-job na kailangan kong puntahan mamayang hapon. Hmmm, ganito talaga ang buhay ng freelance technician, kapag walang repair medyo magtatamad tamaran ngunit kapag maraming tawag, hindi rin naman magkanda ugaga sa pag-schedule at pagtrabaho. Pero mas gusto ko na ito kesa naman sa dati kong employer sa gitnang-Luzon, maliban sa maraming boss eh madalas ang karamihan sa kanila mga bugnutin at demanding, hindi naman sa against ako sa mga boss, ang ayaw ko lang naman kapag nakahanap ka ng katapat na boss na bosabos, syempre ibang usapan na yun. Ngunit sa kabilang banda eh, hindi ko rin masisisi ang mga yun kung bakit sila nagkakaganun, may mga boss din kasi sila na madalas pini-pressure din sila, kaya, natural domino effect, hahaha. Yan ang parang hindi ko kayang maintindihan sa ngayon, parang unfair eh, sa tingin ko.Ganun pa man, hindi sa kanila iikot ang storya ko, kahit na medyo umikot na nga pala, hehehe.

Kahapon ng umaga, ng ganitong oras din may tumawag na parang nagmamadali na ipasimpa kano jay ref na, haha ilokano, ang ibig sabihin ipapagawa daw ang ref nya, at ang sabi pa ay recharging lang ng freon gas, kailangang kailangan dahil may mga guest sila na may dalang mga gamot na hindi pwedeng magtagal sa labas ng refrigerator. Mga past seven o clock na ng dinaanan ko si Bert-tek sa shop at mabuti naman at laging game at ready itong kasangga kong tekniko na ito. Agad naming pinuntahan ang address ng tumawag at medyo naligaw kami ng konte dahil sa na-confuse ako sa address na sinabi, Leonard Wood loop road daw, eh ang nasa isip ko Leonard Wood road lang, hahaha, so, nung una naghanap lang kami along Leonard Wood road, not realizing na may Leonard Wood Loop road din pala. At mabuti nalang hindi nagtagal ang paghahanap namin, dahil kapag nagtagal pa baka kami ni Bert-tek ang hindi makatagal. Doon lang pala sa malapit sa tulay ng Leonard Wood road ang Leonard Wood Loop road, adjacent sya ng street entrance ng Teachers Camp.
May loop road pala doon na ang kabilang dulo ay sa kanto ng Leonard Wood road at Gen. Luna. Pagkakita namin ng bahay ay nakaabang na agad ang may-ari sa gate, may pasyente pala silang tinamaan ng gout, injured ang pasyente, may bali sa right ankle nya. Isang dambuhalang babae, siguro yun ang dahilan kaya nabali ang ankle nya, kaya kami ni Bert-tek ay napatulong pa sa pagbuhat sa babaeng yun para isakay sa kotse.... at talaga namang mabigat sya ha, tatlo na kaming lalaki ang nagbuhat ngunit feeling ko naihi yung isang manong na humingi ng tulong sa amin. After namin isakay sa kotse ang ale agad na rin kaming tumungo sa ref na hindi lumalamig, si Bert-tek ang nag-check,,,, natural! tiningnan nya ang relay switch at overload na nakakabit sa motor, at nadetect agad nya na sira ang relay switch, so, tinry nyang i-bypass ang relay, ngunit talagang namamatay ang motor. So, hindi sa freon gas ang problema, nasa motor pala ang depekto. Sinabi namin sa owner na motor ang problema, ngunit pinakansela muna ng may-ari ang repair dahil itatakbo raw nila sa Manila ang pasyente, we'll just call you again as soon as we come back to the mountains.. Nose-bleed kami ni Bert-tek. Anyway, thanks po, sana gumaling yung pasyente nila, at kasunod din nun ang paggaling ng refrigerator nila....

Ganito ang pagiging freelance technician dito sa Baguio, iba't ibang encounters at iba't ibang tao sa iba't ibang pagkakataon. Dapat laging ready to lend a hand to the needy.....Astig!! hehehe

Huwebes, Abril 14, 2011

Singer sa Irisan

Hindi ito tungkol sa taaong kumakanta kundi ito po ay tungkol sa TV na ang brand name ay Singer.
Ang singer sa pagkakaalam ko noon ay sewing-machine lang pero nitong mga 1990's to early 2000 nagpakilalaa rin ang mga TV, Ref, Washing-machine, Stereo-component at Electric-fan na singer ang tatak. Ngayon sa pambihirang pagkakataon ay napunta ako sa isang bahay dito sa Irisan na ang halos lahat na gamit ay singer ang tatak, mula sa ref, tv, at washing machine, gusto ko rin sanang tanungin yung may-ari kung singer din sya, hehehe, pero nahiya naman daw ako, pero napansin kong kumakanta ang may-ari habang nire-repair ko yung tv nila. At sa tv na ito tatakbo ang kwento ko, pambihirang tv. Tuesday ng gabi may natanggap akong inquiry, nagtatanong kung magkano ang service-charge ko sa tuner na may loose connection daw, agad kong sinagot ang inquiry sabay sabi sa presyong angkop para sa ganun kadaling problema.

Minsan talaga nakaka-encounter ako ng inaakala kong madaling trabaho pero pala mahirap sa actual, at minsan din naman nakaka-encounter ako ng inaakala kong mababait na kliyente pero pala may nakatagong sira sa likod ng mga tawag at texts. Ngunit sa pagkakataong ito mabait ang may-ari ngunit salbahe ang TV, hehehe, yung inakala namin ng may-ari na madali dahil loose connection lang ay hard trouble pala, hard trouble dahil hindi ko makitakita kung saang pyesa ang naglo-loose, ni-resolder ko na't lahat-lahat ay lumilitaw pa rin ang problema. Ang problema ay nawawala ang channel 10 at 12 kapag gagalawin ang sugpungan ng tuner sa likuran ng tv ay lumilitaw uli ang channel 10 at 12. Hay problema nga ito mga friends, at problema nga talaga dahil inabot ako ng apat na oras sa kabubutingting nitong makulit na tv na ito, ayaw ko syang lubayan hangga't hindi sya tumino kagaya ko,,,,,,,,,,,,, toink! Tuloy cancel na rin ng isang repair ko sa Maria Basa.
Ngunit umayaos din naman sya nung nilinisan ko ang main-board nito gamit ang laquer-thinner, salamat sa laquer-thinner na naitabi ng may-ari, malaking tulong yun kaya umayos ang tv nya. So hindi lang loose connection, marumi rin pala. Alas dose na nang natapos ko ito ngunit may kapatid pa palang tv ito na sira rin, at ang sira naman ay "one horizontal line" sa gitna, umaapila ang may-ari na gawin ko rin daw, eh ako naman ay madaling kausap kaya ginawa ko naman ito, trabaho eh. Mabuti nalang po at hindi kasing salbahe ito ng naunang tv, purely loose connection lang talaga sya.
Past 12 na nang matapos ko ang mga Singer na TV, lahat sila ay tumino sa mga kamay ng matinong tekniko.

Lunes, Abril 11, 2011

Samsung Refrigerator/ back-job

Ito po yung dati kong ni-repair noong April 2 sa Bakakeng, nag back-job. Medyo sumasakit daw ang ulo ng may-ari, hindi dahil sa walang laman ang ulo nya, kundi lagi raw nago-off ang ref nya at madalas naglalawa ang kusina nila tuwing umaga dahil sa gabi namamatay ang ref at hindi naman daw nya pwedeng bantayan ng 24/7 ang ref nya para lang i-on ito kapag nago-off. Hehe, nga naman ano. Hay, ang sakit nga naman sa noo dahil back-job nga lalo pa eh bagito pa lang ako sa pagbubutingting ng ref at nagkataon pa na Samsung medyo maselan po kasi ito. Pero mabuti nalang may friend akong bihasa sa pag-repair ng mga ref, sya nga po pala si Bert-tek na may shop sa Naguillian road, Bert-tek ang tawag ko pero Bert lang talaga ang name nya, hmm Bert-tek dahil may mga pagkakataon na kapag pumupunta ako sa shop nya ay lasing sya. Sa Ilokano kasi bartek ang lasing, kaya yun nakaisip ako ng rhyme sa pangalan ni Bert, Bert-tek. Tinanong ko itong si Bert-tek kung papano gawin dahil namamatay daw at kailangan pihitin ulit ang knob ng defrost timer sa likod para umandar ulit. So, dahil sa kaibigan ko at suki ako ng mga tinda nilang pyesa ay tinuruan nya rin ako kung paano itama ang ganung problema. Ayon kay Bert-tek, dapat daw na linisin ang mga contacts ng switch ng defrost timer. Agad naman akong pumunta sa Bakakeng para gawin ang nasabing ref, dinatnan kong wala ang may-ari tanging ang kasama lang nila sa bahay ang naabutan ko doon. Mabilis kong tinanggal ang defrost timer sa likod at agad na kinalas para makita ko ang mga contacts ng switch, at hindi nga nagkamali si Bert-tek sa pagturo dahil talaga nang kailangan nang linisin ang tatlong contacts nito, so, kinaskas ko ng bahagya at medyo binaloktot ko ang mga ito para mag-abot ang mga contacts, mabilis ko itong natapos dahil hindi naman kahirapan itong gawin at i- assemble ulit at agad ko ring naikabit ito sa likod ng ref. Umandar ang ref ng tuloy- tuloy, namamatay lang kapag kailangang gumana ulit ng defrost timer at kapag tapos na sa oras ang timer agad namang nago-on ang ref ng kusa....

Mga alas onse ng umaga ko natapos ang trabaho, akala ko tapos na ako, nang biglang nagkwento itong kasama nila sa bahay, nagkataon namang bisaya sya, at ako naman dahil sa marunong din mag-bisaya dahil may dugo rin naman talaga akong bisaya pinaunlakan ko sya at pinakinggan ko ang kwento. Hehe, as usual problemang puso na naman, ito palang si Inday ay isa nang nanay na nanggaling pa sa Surigao (isang probinsya sa gawing north-east ng Mindanao). Ang pagiging nanay nya ay hindi sinasadya at dahil dito hindi sila nagkakaintindihan ng nanay nya. Hmmm, tama na nga ito mukhang nagiging tsismoso na ako, akin nalang itong ibang nalalaman ko tungkol kay Inday. Kaawaawa din talaga itong si Inday na may problema sa puso, naisip ko tuloy sana marunong din akong mag-repair ng puso, hahahay!

Sabado, Abril 2, 2011

Turn- table sa Legarda Extension

Isang lumang Panasonic stereo component model early 90's, hindi gumagana ang Turn- table, radio at Cassette tape player. Repair ko ito last week pa na binalikan ko lang nung Wednesday at ipinabili sa may- ari ang mga pyesang kailangan. Mga integrated circuit ( IC) para sa radio tuner, rubber belt para sa cassette tape player, at needle para sa turn- table, hehehe, akalain mo, meron pang available na needle para sa turn- table. Ang turn- table nga po pala o mas kilala sa tawag na Phono player ay ang lolo ng mga CD players ngayon at lolo sa tuhod ng mga DVD players. Kung ang mga CD, VCD at DVD players ay gumagamit ng laser beam para mabasa ang mga music at video data sa CD na ini- enjoy atin sa araw- araw, ito namang turn- table ay gumagamit ng synthetic diamond na nakahugis karayum na sya namang kumakapa sa mga nakaukit na audio data sa plaka na bumubuo ng vibration sa needle na syang nagre- reproduce nito into sound signal papunta sa pre- amp to main amplifier papalabas sa mga speakers nito.
Kaninang umaga ikinabit ko ang needle para sa turn- table, medyo gumawa nga lang ako ng modification para maikabit yung needle dahil para sa ibang modelo ng phono player ang needle na nabili ni lolo, nakakamangha lang dahil gumana naman ng maayos ang phono player, isa pang nakakamangha ay ang linis at ganda ng tunog na nagmumula sa phono player. Ang cassette player at tuner ay may problema pa na dapat kong balikan next time..
Good thing is, mabait ang may- ari, nagpa- snack, nagpa- lunch at higit sa lahat nagbayad pa, san kapa! Sarap mabuhay talaga kapag wala kang kinatatakutan na mga kliyente. Salamat po sayo lolo sana mabasa mo ito.
Masaya si Miko!

Sa SLU- SVP, New Site Bakakeng

Kahapon ng umaga wala akong naka-schedule na repair, kaya alas nuwebe na ng umaga nagkukuyakoy pa rin ako sa higaan, hay, "this is life" ika ng iba, walang pressure dahil wala rin namang asawa ng magbubunganga, hehehe, peace po sa mga asawang ganito at sa mga friends ko na may ganitong asawa.

Nine thirty na ng may bigla uling nagtext, ang text nga naman biglabigla nalang dumarating na walang abiso, sabi ng text, repair daw ng microwave oven, kaya ini-schedule ko kaagad ng 10 o clock baka mawala pa eh.
Mga 10: 20 nahanap ko rin ang bahay ng nagtext, medyo natagalan dahil nakatago ang bahay at isa pang medyo nagpahirap ay ang magulong numbering ng ng mga bahay. Oh diba, medyo sasakit ang noo mo sa ganitong scenario, maliban sa magulong numbering ay nakatago pa ang bahay na hina-hunting ko sa likod ng isang block at hindi ko rin agad napansin ang kalsadang papasok sa bahay na hina- hunting ko. Pagdating ko sa bahay ay may tumambad sa akin na dalawang nakakaawa na microwave oven, yung isa medyo may kalumaan na tila ba nakikiusap na agad ko silang i-repair. At agad ko namang ni-repair yung isa at na- repair naman sya, nagkaroon lang ng leak between sa isang pin ng capacitor na .085uf/ 2100volts at sa ground, dahilan kaya pumuputok ang fuse, mabuti nalang inantisipeyt ko na na sira yung capacitor na yun kaya nagdala na agad ako ng isa para maayos kaagad kung sakasakali, at hindi naman ako nagmali sa bagay na yun. Ngayon yung isang microwave naman ay nangagailangang palitan ng transformer, wala nang ibang transformer ang microwave dahil nag-iisa lang naman yun, ang problema naman nun ay nasunog kaya ayaw magbuga ng microwave radiation ng magnetron dahilan para hindi uminit ang mga pagkain na gusto sanang painitin ng may- ari, ang masama ay yung may- ari ang umiinit sa tuwing may isinasalang sya sa oven nyang nasiraan ng magnetron, ("take note manetron ha hindi voltron, robot po yun"). Itong transformer na ito nga pala ang nag- iinvert ng kuryente para mag- supply ng power sa magnetron. At dahil wala akong transformer para dito kaya promise ko nalang sa owner na babalik ako kapag may pyesa na, most probabaly next week.


Umalis ako dahil magtatanghalian na, at babalik after ng tanghalian. Past 2 o clock ng hapon nang bumalik ako sa bahay na yun, ngayon isang refrigerator naman daw ang kakanain ko Samsung ang tatak, tatak Koreano. Ang problema ay ayaw lumamig ng cooler sa ibabang bahagi ng ref pero yung freezer ay ang lamig lamig naman. Ang problema pala ay yung fan na nagbubuga ng hangin mula sa freezer pababa ng cooler. Binaklas ko ang takip na nakatakip sa mga tubes na dinadaluyan ng freon gas dahil doon nakalagay ang fan, napangsin ko na  makapal ang yelo dahilan para hindi makaikot ang fan at hindi masyadong makadaloy ang hangin pababa sa cooler.. Simpleng problema na kailangan ng simpleng solusiyon, tinanggal ko ang mga sobrang yelo na sumasagi sa fan at bumabara sa daluyan ng hagin nito pababa sa cooler, after nito assemble naman. Gumana ang ref ng maayos, sumaya ang may- ari, nagbayad at syempre masaya uli si Miko!